All posts by

konsultasyon

Itinatampok ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Pambansang Konsultasyon sa Antas Tersiyarya na dadaluhan ng mga tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino mula sa iba’t ibang unibersidad sa buong Filipinas sa BP International Powerhouse Hotel Ermita, Maynila, 1 -2 Oktubre 2013.

Tatalakayin sa konsultasyong ito ang mga pagbabagong kinahaharap ng mga guro ng Filipino sa antas tersiyarya sa implementasyon ng K to 12 sa sistemang pang-edukasyon ng bansa.

Magiging susing tagapanayam sa konsultasyon sina Atty. Julito D. Vitriolo, Executive Director ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon at Dr. Isagani R. Cruz, kasapi ng Technical Panel on General Education.

Layunin ng konsultasyong ito na makabuo ng panukalang pambansang patakaran para sa pagpapaunlad ng kalidad ng pagtuturo ng Filipino sa antas tersiyarya. Sinisikap din nito na tugunan ang hinaing ng mga guro ukol sa unti-unting pagkawala ng paggamit ng Filipino sa kani-kaniyang pamantasan.

Itinatampok pa ng gawaing ito ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa iba’t ibang kurso o lárang ng pag-aaral.

Mga kinatawan mula sa mga pilîng unibersidad ang iimbitahan ng KWF. Para sa iba pang tanong, makipag-ugnayan kina Pinky Tenmatay (tenmataypinkyjane@rocketmail.com) at Wilbert Lamarca o tumawag sa +63908 496 6726 o 736-2525 loc 105.

registry

Iniimbitahan ang lahat ng mga ahensiya, departamentong pang-akademiko sa Filipino, organisasyon at mga sentrong pangwikang nangunguna sa episyenteng implementasyon at pagpapapalago ng Wikang Filipino na makapagpatala sa programang registry ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

PROGRAMANG REGISTRY NG KWF

Registry ng Lahat ng mga Ahensiya, Kagawarang Pang-akademiko, Samahan, at Sentrong Pangwika sa Filipino

Iniimbitahan ang lahat ng mga ahensiya, departamentong pang-akademiko sa Filipino, organisasyon at mga sentrong pangwikang nangunguna sa episyenteng implementasyon at pagpapapalago ng Wikang Filipino na makapagpatala sa programang registry ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Hinahangad ng KWF na magtatag ng mga matitibay na ugnayan sa mga organisasyon, ahensiya, at pribadong pangkat para sa mas malawak na network at kasapian kahit sa mga nagsisimulang antas (grassroots level). Nilalayon ng programang registry na magbigay ng tulong at pagkilala sa mga pangkat na mayroong kaparehong mithiin katulad ng sa Komisyon, habang sa kabilang dako, pinagsasabay-sabay ang pagkakaroon ng mas aktibo at mahusay na saliksik sa bernakular at ang implikasyon nito sa kultura sa pamamagitan ng pagtataguyod ng database. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang di kinakailangang duplikasyon. Dagdag pa, ang programa ay umaasa na mapag-ugnay-ugnay ang lahat ng mga proyektong pangwika upang mabisang mapunan at mabigyan ng solusyon ang mga isyu na kinakaharap ng wikang Filipino.

Hinihiling namin ang lahat ng mga interesadong grupo na magbigay ng isang Status Report (kasama ang uri at gawain ng organization, mga opisyal at kasapi, adres, kopya ng mga by-law, at SEC registration) at listahan ng mga program at proyekto nito sa:

Komisyon sa Wikang Filipino
Sangay ng Impormasyon at Publikasyon
2F Watson Bldg., 1610 JP Laurel St., Malacanan Palace Complex
San Miguel, Manila

Para sa mga tanong at iba pang impormasyon, maaaring tumawag sa (02) 736-2524/25; 736-2519 at hanapin si Bb. Sandor Abad o G. Roy Rene Cagalingan. Maaari ring magpadala ng email sa komfil.gov@gmail.com

Winika

WINIKA NA NATIN ANG DAANG MATUWID

ni Virgilio S. Almario

Ang hindi lumingon sa pinanggalingan
Di makararating sa paroroonan.

ANG IBIG KONG SABIHIN, ang daang matuwid ay matagal nang nakapalaman sa ating wika. Isa itong katutubong hálagáhan (value) para sa marangal na búhay ng ating mga ninuno, isang dakilang pamantayang nararapat sundin saanman at kailanman tungo sa wastong pakikipagkapuwa-tao, isang banal na tuntuning kailangang tupdin upang hindi “maligaw ng landas.” Isang napakahirap itong tungkulin, kayâ itinatanim na noon sa kalooban ng kabataan ang mga salawikaing tulad ng sumusunod:

Isang daang masikip
Iyang daang matuwid
At tigib sa panganib.

Na siyá ring buod ng kasabihang Sebwano na: “Ang masigpit nga dalan maoy dalan nga matarong.” Ang mahigpit na daan ay daang matuwid. O marahil, ang higit na angkop na diwa kung isasalin ay: Ang pinakamahigpit na daan ay ang daang matuwid.

“Pinakamahigpit,” sapagkat dito nasusukat ang buong pagkatao ng isang tao. Unang-una, dito nasusubok ang antas ng kaniyang baít—ang taal na kakayahan niyang malimi kung alin ang tama at kung alin ang mali. Kung iisipin, ang daang matuwid ay laging nangangahulugan ng tumpak na pasiya. Ang pagpilì kung alin ang tunay na daang matuwid o kung alin ang daang liko-liko; ang pagpilì kung alin ang daan ng kalinisan o kung alin ang daan ng kasinungalingan; sa kabilâng dako, para sa mga oportunista, kung alin ang landas ng korupsiyon na dapat piliin o kung alin ang landas na legal at dapat iwasan; para sa mga politiko, kung alin ang paraan ng tunay na paglilingkod bayan at dapat layuan o ang paraan para linlangin ang bayan at dapat piliin.

Ngunit tulad ng anumang sinaunang hálagáhan, nagdaan ito sa mahabàng kasaysayan ng Filipinas, lalo na sa panahon ng mga pananakop, at kayâ dumanas ng mga nagbabagong pananaw. Pinakamalaking impluwensiya sa pagbago sa oryentasyon ng daang matuwid ang 300 taón ng kolonyalismong Espanyol.

Sa isang bandá, sa bisà ng relihiyong Kristiyano, nanatili ang simbolo ng daang matuwid bilang “landas na matinik” ngunit naging pagsubok ito upang makaakyat sa Langit. Naging kasabihan ng mga Ilokano ang “Ti sumina iti dalan ti kinapudno maiturong ti dana ni sipnget.” Sinumang lumihis sa daan ng kawastuan ay maglalakad sa kadiliman. Isang kasabihan ito na hindi nalalayô sa katutubong pagdalumat sa daang matuwid bilang “daan ng kawastuan.” Ngunit ang pagbanggit ngayon sa “kadiliman” ay may nakatimo nang pagpapakilala sa Kristiyanong kawastuan bilang “liwanag” at sa “dilim” bilang kalagayan ng di-Kristiyano at hindi sibilisado.

Sa kabilâng bandá, sa ilalim ng bighani ng makabagong sibilisasyong Europeo na dulot ng kolonyalismo, napaukol ang daang matuwid sa paghahanap at paglasap ng materyalistang kaginhawahan. Nagbago ang katutubong konsepto ng ginhawa—na isang minimithing pilosopiko at sikolohikong antas ng pagtaas ng pagkatao dahil sa wastong pakikipagkapuwa-tao at kagandahang-loob—at naging isang pagtatamasa sa yaman at layaw ng katawan. May salawikain hanggang ngayon ang mga Bikolano na:

Mayong pasil na dalan
Pasiring sa kaginhawahan.

Walang madalîng daan tungo sa kaginhawahan. Ang “pasil” ay malinaw na bahid ng wikang Espanyol at mula sa facil na nangangahulugang madalî o hindi mahirap. Ngunit maituturing din itong palatandaan hinggil sa nagbagong pamantayan ukol sa ginhawa sa ilalim ng kolonyalismo. Ang ibig kong sabihin, ang tinutukoy na “kaginhawahan” ngayon ay higit na ukol sa prosperidad o kariwasaan—paghahanap ng layaw at pagkakamal ng salapi, malaking bahay, mamahaling kasangkapan, malawak na lupain, at lahat ng serbisyo.

Malinaw na nagtutunggali ang “daang matinik” ng Kristiyanismo at ang “daan sa kaginhawahan” ng sibilisasyong Europeo. Ngunit sinikap itong pagtugmain sa Filipinas sa ilalim ng kolonyalismo at edukasyong Espanyol. Nagbunga ito ng isang kamalayang Filipino na kung hindi nalilito ay lubhang alipin ng kaisipang Kanluranin noon at hanggang ngayon, isang kaisipang nasasamantala hanggang ngayon ng mariwasa at makapangyarihan.

Ang daang matuwid bilang landas tungo sa kalayaan ang sinikap namang ipaunawa ng Kilusang Propaganda at ng Katipunan. Nagsimula ito sa mapagpalayang pagkukuro ni Balagtas sa Florante at Laura nang ihibik niya ang laganap na paghahari ng kasamaan sa “loob at labas ng bayan kong sawi.” Wika pa niya:

Kaliluha’t samâ ang ulo’y nagtayô
At ang kabaita’y kimi’t nakayuko.
Santong katuwira’y lugami at hapô
Ang luha na lamang ang pinatutulo.

Naglaho aniya ang bait dahil naghari ang kaliluhan. Sa gayon, ang “santong katuwiran,” ang pag-iisip na nagagabayan ng daang matuwid, ay nakayukayok sa isang sulok at lumuluha.

Ang naturang mabagsik na paglitis ni Balagtas laban sa tiwaling kaayusang dulot ng kolonyalismo ang sinundan ng panahon ng himagsik nina Rizal, Plaridel, at Bonifacio. Ipinilit ng naturang mga bayani ang pagbalik sa daang matuwid. Napakasigasig ng ideolohiyang Katipunero sa naturang lunggati. Para kay Bonifacio, ang daang natuwid ay pag-iingat ng puri’t dangal ng mga Filipino, na nawala o nalugmok dahil sa panlulupig, at kailangang bawiin sa pamamagitan ng himagsikan. Wika niya:

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya’y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito’y mapanood?

Higit kailanman, sa Himagsikang 1896 naidiin ang halaga ng sakripisyo ngayon at dito para sa daang matuwid. Hindi lamang penitensiya ang kailangan. Hindi lamang pag-aabuloy ng pera para sa kawanggawa. Kailangang maigpawan ang mga personal na kahinaan. Kailangan ang kahit paghahandog ng búhay upang makamit ang kalayaan at upang makapanunton ang lahat sa daang matuwid. May katulad na hámon ang panawagan sa kasalukuyan hinggil sa pambansang pagtutulungan tungo sa daang matuwid. Nangangailangan ng katulad na antas ng sakripisyo at pakikisangkot ang panawagan ngayon sapagkat higit na masalimuot at mapanlinlang ang kultura ng korupsiyong umiiral sa utak ng kasalukuyang lipunang Filipino. Dahil naman sa mabibigat na suliranin ng bansa, lalo na ang problema ng malaganap na kahirapan at kamangmangan, ay mahalaga kahit ang pasiya ng bawat Filipino kung paano siyá maaaring makilahok tungo sa pagbabagong inilalatag ng daang matuwid. Uyam nga ng isang salawikaing Ilokano:

Nataltalged ti dalan
A kanayon a pagpagnaan.

Ang gasgas na daan/ ang pinakamagaan. Ang ibig sabihin, bakit kailangan nating makisunod-sunod lamang sa gasgas nang daan at dinaaanan ng marami? Higit nating kailangan ang isipang malikhain at mahilig makipagsapalaran. Higit nating kailangan ang isipang naghahanap ng bagong daan o magsisikap humawan ng bagong daan tungo sa kaunlaran.

Tulad ng sabi ko sa unahan, winika na para sa atin ng ating mga ninuno ang dapat nating hanaping daang matuwid. Matututuhan sana natin ang kanilang tumpak na halimbawa.

Ferndale Homes
20 Hulyo 2013

Pambansang Kongreso sa Wika

Pambansang Kongreso sa Wika, tagumpay!

Nagtipon-tipon noong nakaraang 19-21 Agosto sa Leong Hall, Ateneo de Manila University, Lungsod Quezon ang 217 kinatawan mula sa lahat ng rehiyon sa bansa –mga guro at superbisor sa Filipino, iskolar, manunulat, at kinatawan mula sa iba’t ibang institusyong publiko at pribado—sa Pambansang Kongreso sa Wika na pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Binuksan ng ating Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang kongreso sa pagtalakay niya sa politika ng wika. Binigyang diin niya na ang wikang Filipino ang dapat na magbigkis sa sambayanan at hind maging mitsa pa ng di pagkakaunawaan.

Sinusugan naman ito ng mga tagapanayam na dalubhasa sa kani-kanilang larang. Siniyasat sa unang araw ang estado ng wikang Filipino sa panahon ng internet, social media, at digital age at ang estado at estratehiya ng pagtuturo ng wikang Filipino sa mga dayuhan at sa mga kapwa Filipino bilang pangalawang wika. Sa ikalawang araw naman ay nagkaroon ng talakayan sa wika ng pamahalaan, negosyo, media, relihiyong Islam. Sa ikatlong araw ay wika ng batas at relihiyong Kristiyano.

Sinabayan ng bagyong Maring at Habagat ang pagdaraos ng kongreso ngunit tunay na kahanga-hanga ang ipinakitang sigasig ng lahat ng nakiisa dito. Umulan at bumaha rin ng sari-saring debate at bagong kaaalaman nang tatlong araw. Sa gitna ng literal na unos ay kapit-bisig na naitawid ang adhikain ng lahat na mapabuti ang estado ng wikang pambansa. Nakalikha ito ng limang (5) resolusyon:

(1)   Kapasiyahang Hikayatin ang Pagtatakda ng Sistema sa Pagtuturo ng Filipino sa mga Dayuhan

(2)  Kapasiyahang Ikampanya na Panatilihin ang Kursong Filipino sa mga Kolehiyo at Unibersidad upang Hindi Maubos ang mga Gurong Magtuturo ng Filipino sa iba’t ibang Antas

(3)  Kapasiyahang Ikampanya at Gamitin ang Wikang Filipino Bilang Midyum ng Instruksiyon sa Pagtuturo sa mga Paaralan sa buong Kapuluan

(4)  Kapasiyahang Hikayatin ang Paggamit ng Filipino sa mga Plataporma ng Impormasyong Teknolohiya

(5)  Kapasiyahang Hikayatin ang Paggamit ng Filipino sa Pagpapalaganap ng Relihiyon sa Filipinas

‘Sana pagkatapos ng tatlong araw ng diskusyon, tayo ay magtagpo-tagpo sa gitna nang sa gayon ay magbunga ng maganda ang kongresong ito’, bilin ni PNoy sa kanyang mensahe. Masasabing natupad naman ang bilin na ito ng pangulo sa pagtatapos ng Pambansang Kongreso sa Wika sa taong ito. Patunay dito ang limang kapasiyahan ng mga delegado. Suportado ng KWF ang mga kapasiyahang ito ng kauna-unahang kongreso at inaasahang dadami pa ang lalagda alang-alang sa ganap na pagsasakatuparan nito. Subalit una pa lamang ang kongresong ito sa mga susunod pang taon. Umpisa pa lamang sa muling pagmumulat ng pambansang kamalayan sa kahalagahan ng wikang Filipino, ang kahulugan ng pagiging Filipino, mapa-Buwan ng Wika man o hindi.

gabi_ng_parangal_01

Gabi ng Parangal, Idinaos!

Sa kabila nang walang humpay na pag-ulan na nagdulot ng baha sa maraming bahagi ng kalakhang Maynila, naidaos ang isang simple subalit napakamakabuluhang palatuntunan. Sa Gabi ng Parangal, kinilala at ipinagbunyi ang itinanghal na Mananaysay ng Taon sa katauhan ni G. Mark Anthony S. Angeles. Dati siyang pangalawang pangulo para sa Luzon ng College Editors Guild of the Philippines, miyembro rin ng Kilometer 64 Poetry Collective, Guniguni, at Kataga Manila. Siya ang tanging delegado sa taong kasalukuyan sa International Writing Program ng IOWA University, USA. Ipinagwagi niya ang piyesang may pamagat na “Dila’t Dalita ni Elias: Wika Bilang Liwanag ng Katuwiran ni Andres Bonifacio sa Ikid ng Gilingang Bato ng 1987.”

Ang iba pang nagwagi sa Gawad KWF sa Sanaysay 2013 ay sina: David Michael M. San Juan, Ikalawang Gantimpala para sa “Euphoria, A Luta Continua at Bahala na: Diskurso ng Rebolusyon Bilang Tuwid na Landas ng Pagbabago sa Tatlong Awiting Post-Edsa I” at Michael M. Coroza, Ikatlong Gantimpala para sa “Ang Kolonyalismo at ang Di-Mapag-isang Wika’t Pagkatao.” Ang mga nagkamit ng karangalang-banggit ay sina:  Alona J. Ardales sa “Diskurso sa Sariling Wika: Daluyan ng Daang Matuwid,” Maria Lucille G. Roxas sa “Wika ng mga Kapos, at ang Himagsikang Hindi Tapos,” at Mon Karlo L. Marangan sa “Mula Boni Tungong Kalayaan: Mapagpalayang Pagdalumat sa Kasaysayan at Panitikang Kolonyal Hanggang sa Kasalukuyan.”

Hindi man nakadalo si Senador Nancy Binay bilang panauhing pandangal ay nakapagpadala ito ng kinatawan. Sa mensahe ng Tagapangulo ng KWF at pambansang alagad ng sining Virgilio S. Almario, nagpasalamat siya sa lahat ng nakiisa sa pagdiriwang ng buwan ng wikang pambansa lalo na sa mga nakadalo sa kongreso sa wika sa kabila ng masamang panahon. Aniya, ang lahat ng mungkahi at resolusyong nabuo sa kongreso ay sisikaping maisakatuparan at maipatupad ng KWF. Ipinakilala at ipinaliwanag din niya ang kahulugan ng bagong seal o tatak ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Sa tampok na bahagi ng palatuntunan, dinakila ang malaking ambag ni Hukom Cesar C. Peralejo, Sr. Pinarangalan ang hukom sa kaniyang hindi mapasusubaliang pagsisikap na gawin ang FILIPINO bilang wika ng mga hukuman sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtangkilik at masigasig na paggamit at pagsusulong ng wikang Filipino sa larang ng batas. Kabilang sa kaniyang mga akda at isinaling aklat ang “Sino ang Mabuting Hukom,” na lumabas sa Filipino Magazine Vol. 2 No. 88, November 28, 1994, “Ang Paglilitis kay Rizal,” na inilathala ng UP Diliman Sentro ng Wikang Filipino, at ng mga sumusunod na salin sa Filipino: Revised Rules on Civil Procedure (Rules 1-71, Rules of Court); Revised Rules on Special Proceedings, Criminal Procedure, and Evidence (Rules 72-133, Rules of Court); “Ang Pagsasanib ng Batas Internasyonal at ng Batas Panloob sa Pagbawi ng Ninakaw na Yaman” salin sa Filipino ng Papel ni Dating Pangulo ng Senado, Jovito Salonga para sa Ambassador Jose P. Melencio Professorial Lecture on Public International Law ; Ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991, salin sa Filipino ng “Local Government Code of the Philippines;” Ang Kodigo Penal ng Pilipinas, salin sa Filipino ng “Revised Penal Code of the Philippines;” Ang Kodigo ng Pamilya ng Pilipinas, salin sa Filipino ng “Family Code of the Philippines;” Ang Kodigo Sibil ng Pilipinas, salin sa Filipino ng Civil Code of the Philippines,”  at ang English-Filipino Legal Dictionary, 1995 at 2004 edisyon.

Ginanap ang Gabi ng Parangal sa Bahay ng Alumni, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, Lungsod ng Quezon, ganap na ika-6:30 ng gabi noong Agosto 21.

rizal copy

Si Rizal at ang Ortograpiyang Pambansa (unang bahagi)

Dahil nais magsalin ng mga akda mula sa wikang banyaga, bukod sa sadyang nais tumulong sa reporma ng ortograpiyang katutubo ay nag-iwan si Rizal ng mga makabuluhang ambag sa pagsusuri sa paraan ng pagsulat sa wikang Tagalog. Naging gabay niya ang simple ngunit episyenteng katutubong baybayin, sa isang dako; at ang dinanas niya mismong paghihirap at pagkalito sa pag-aaral sa pamamagitan ng itinuturo noong alpabetong Espanyol, sa kabilâng dako. Panimula nga niya sa isang liham para sa mga kababayan at may pamagat na “Sobre la nueva ortografia de la lengua tagalog” nang ilathala sa La Solidaridad noong 15 Abril 1890:

Cuando frecuentaban Vds. la escuela del pueblo para aprender

las primeras letras, o cuando las tenían que enseñar a otros mas

pequeños, les habrá, sin duda, llamado  la atención, como á mí, la gran

dificultad que encontraban los niños, al llegar a las silabas, ca, ce, ci, co,

ga, ge, gua, gue, gui, etc., etcetera, por no comprender la razon de estas

irregularidades y el por que de los cambios de valor en los sonidos de

algunas consonantes.

Napapaiyak diumano ang mga musmos, nalalantakan ng palmeta, napaparusahan, ngunit nagiging sanhi ng hindi maulatang paghihirap ang paggamit ng mga naturang pantig. Kailangan, sa gayon, ang reporma sa ortograpiya. At lumilitaw na bago pa niya sulatin ang sanaysay para sa La Solidaridad ay matagal nang nag-iisip ng nueva ortografia ang ating bayani. Sa loob ng sanaysay ay naikuwento niya ang mga pakikipag-usap at pakikipagtálo ( o marahil, pakikinig sa mga nagaganap na noong diskusyon) hinggil sa naturang usapin sa ilang itinuturing niyang eksperto sa wikang Tagalog, kasáma na si Pedro Serrano Laktaw na naging kapanalig niya sa ilang mungkahing pagbabago at si Padre Tecson na ipinagtataká niyang salungat sa kaniyang mungkahing gamit ng W.

Unang lumitaw ang kaniyang binubuong mga panukalang pagbabago sa kaniyang saling Guillermo Tell ng dulang Wilhelm Tell ni Schiller. Isinagawa niya ang pagsasalin noong Setyembre 1886 sa Leipzig, Alemanya. Ang manuskrito ng salin ay napasakamay ni Mariano Ponce dahil ibinilin ni Rizal na basáhin at bigyan ng kaukulang editing kung kailangan. Alinsunod sa sinulat na paunang salita ni Ponce noong Oktubre 1906, may talâ si Rizal sa dulo ng manuskrito na nagpapaliwanag sa kaniyang panukalang bagong ortograpiya at ginamit mismo sa teksto ng salin. Ganito ang sipi ni Ponce:

                        “NOTA! Pagbutihin ang pagkasulat: ang Y ai gamitin lamang

            sa punu ng silaba; sa huli ai dapat I lamang. Ang O sa tagalog ai dapat

            makita kundi sa huling silaba, at ang tunog ai malapit sa U, paris ng O

            italiano, hindi paris ng kastila. Ang C ai dapat alisin paris ng Q na hindi

            kailangan, gaion din naman ang U kasunod ng G; sa tagalog ai walang

            GUE ni GUI, paris ng kastila. Ang sulat tagalog ai dapat maging sulat

            tagalog at hindi itulad sa kastila, at ang isa pang kabutihan nito ai gagaan ang

            pag aaral ng mga bata, na sa lagai ng Ca, Ce, Ci, Co, Cu, Qua, Que, Quo,

Quu, at Ga, Ge, Gi, Go, Gu, at Gua, Gue, Gui, Guo, Guu, ai walang

pag aaralan kundi Ka, Ke, Ki, Ko, Ku, at Ga, Ge, Gi, Go, Gu, alinsunod

sa matandang sulat sa tagalog.”

Si Ponce din ang nakapansin na nang ilathala ni Rizal ang “Sobre la nueva ortografia de la lengua tagalog” ay may binago nang palagay si Rizal. Una, ang kaniyang paniwala na ang Y ay dapat matagpuan lamang sa simula ng pantig. Mapapansin ito sa nagbagong  ispeling niya ng “ay”—sa nota sa Guillermo Tell, ito ay binaybay niyang “ai” samantalang may halimbawa síyang “ako ay” sa sanaysay sa La Solidaridad. Ikalawa, ang panukala niya hinggil sa kabuluhan ng W. Na nagpapatunay sa hindi pa sarado ang paglilimi ni Rizal hinggil sa kaniyang panukalang reporma.

Sa kabila ng lahat, malinaw sa maikling “nota” ni Rizal sa pagsasalin ng Wilhelm Tell ang mga pangunahing tuntunin niya sa repormang ortograpiko. Una, kailangang itanghal ng pagsulat ang awtentikong katangian ng pagsulat na Tagalog. “Ang sulat tagalog ai dapat maging sulat tagalog at hindi itulad sa kastila.” Ikalawa, kailangang tumulong ang ortograpiya upang maging mabilis at magaang ang pagkatutong sumulat ng mga musmos. “(A)ng isa pang kabutihan nito ai gagaan ang pag aaral ng mga bata.” May mahihiwatigang damdaming makabayan sa unang katwiran. Ngunit napakahalaga din itong panuntunan laban sa pinairal ng mga misyonero na paraan ng pagbaybay batay sa ortograpiyang Espanyol at ipinagamit sa pagbuo ng mga bokabularyo sa mga pangunahing wika ng Filipinas na inabot ng Kristiyanismo. Isa namang napakahalagang tuntuning pedagohiko ang kaniyang ikalawang tuntunin. Ang silbi ng kaniyang panukalang paraan ng pagsulat upang mapagaan ang pagtuturo ng pagsulat ay ulit-ulit niyang idinidiin sa bawat panukala niyang pagbabago sa sanaysay sa La Solidaridad.

Totoo namang pinakikinabangan natin ngayon ang mga pangunahing panukala ni Rizal sa “Sobre la nueva ortografia.” Pangunahin dito ang ginamit niya mismong eksperimento sa pagbaybay sa saling Guillermo Tell. Una sa lahat ang panukala niyang paggamit ng titik K upang kumatawan sa itinuturo noong paggamit sa mga titik C at Q sa mga nakalilitong anyo ng mga ito kapag bumabaybay ng salitang Tagalog. Halimbawa, ang baybay noong canila at quita, na sa panukala ni Rizal ay maaari nang baybaying kanila at kita. Ganito rin ang mas episyenteng paggamit ng G nang hindi isinusunod na baybay Espanyol, upang ang dating baybay na guinamos at guoho ay magtipid sa patinig at maging ginamos at guho.

Isa pang napakamakabuluhan ngayon ay ang pagkilála niya sa W bilang katinig. Labis niyang tinutulan ang sustitusyon noon ng U at O para sa W, gaya sa ispeling noon ng aua at arao. Wika niya, bakit dapat katawanin ang iisang tunog (ang tunog ng W)  sa pamamagitan ng U at O? At para sa kaniya ay napakaepisyente ng W para gamitin sa awa at araw. Sa pamamagitan nitó at sa pag-uri sa W bilang pantugma sa ibang katinig na mahina (L, M, N, Ng, R, Y) sa tradisyonal na pagtula ay ipinagtanggol niya ang W sa mga nais magturing na isa itong patinig. (Isang bagay itong hindi maintindihan hanggang ngayon ng mga guro na naniniwala sa pag-uring Espanyol na ang W ay isang mala-patinig at kayâ hindi rin nilá mawawatasan ang katwiran sa salin ni Lope K. Santos na “kambal-patinig” ang diptonggo.)

Marami pang ibang panukala si Rizal at dapat busisiin pa ng mga mananaliksik.

Gayunman, ang eksperimento ni Rizal upang gamitin ang kaniyang nueva ortografia sa saling Guillermo Tell ay tiyakang walang nakapansin. Nabása lámang ito ni Ponce hanggang igawa niya ng paunang salita noong 1906 at mailathala. Ngunit ang “Sobre la nueva ortografia” ay tiyakang napaglimian ng marami pagkaraang malathala sa La Solidaridad noong 1890. Hindi lámang iyon, maaaring patunayan sa pamamagitan ng mga pagsulat bago matapos ang ika-19 siglo na sinikap itong tupdin ng mga manunulat sa Tagalog.

Pangunahing disipulo ni Rizal sa kaniyang nueva ortografia sina Bonifacio at Jacinto. Kung wala ang panukalang gamit ni Rizal sa titik K, bakâ ang pangalan ng pambansang kapisanang mapanghimagsik na itinatag sa Tundo ay Cataas-taasang Cagalang-galangang Catipunan ng mga Anac ng Bayan at may inisyals na CCC.

Kamakailan, may lumaganap na mga bagong dokumentong Katipunero at mula diumano sa Archivo General Militar de Madrid. May balita na nása pag-iingat ngayon ang mga nasabing dokumento ng ating pambansang komisyong pangkasaysayan at sumasailalim sa pagsusuri. Gayunman, may kopyang nása internet ay may salin pa sa Ingles. Napakahalaga ng mga naturang dokumento sa pagsuri ng epekto ng bagong ortograpiya ni Rizal sa pagsulat ng mga Katipunero, lalo’t isinaalang-alang na ang mga dáting pinag-aaralang akdang Katipunero ay nagdaan na sa maraming pakikialam ng mga naglathala mula noong panahon ng Amerikano.

Isa sa mga bagong dokumentong Katipunero ay may pamagat na “!! Gising na, mga tagalog!!” na sinasabing lumabas noong 23 Oktubre 1895 at nása sulat-kamay ni Jacinto bagaman may pirma sa alyas na “J. Aging.” Sa pamagat pa lámang ay mapapansin ang pagsunod sa estilo ng pagsulat Espanyol noon: (1) bago ang pamagat ay may kapartner na pabaligtad na tandang padamdam ang tandang padamdam sa dulo ng pamagat (ipagpaumanhin na hindi ko maisulat ngayon ang pabaligtad na tandang padamdam), (2) nása maliit na titik ang pangngalang pantangi na “tagalog.” Subalit titigan ang baybay ng “gising.” Kung hindi sa panukala ni Rizal, ang dapat lumitaw na ispeling nitó ay “guising.” Mainam na tunghayan pa ang unang mga pangungusap ng manipesto:

Mahigit sa tatlong dan taun- !kahangahangang kalaunan!- na

lumubug sa kalunuran ng bangis at daya ang araw ng ligaya nitong

Katagalugan! Mahigit sa tatlong dan taung tayo’y na sa dilim, dilim

na nakapangingilabot ng gabi ng kaalipinan! At ang gabing ito’y

tahimik na katulad ng mga libingan! At sa katahimikang ito’y walang

ibang madidingig liban ang kalansing ng mga tanikala, o kaya ang

mapanglaw na daing o kaya naman ang binging galit ng pusung

tinuhug ng kalis ng ganid! Ang gabing ito’y malaun nang tutoo! Ang

himbing ng tulug ay nakakukutya na!

Hindi pa rin ito ang paraan ng pagsulat ngayon. Subalit anung lapit sa ating kasalukuyang pamamaraan! Ibang-iba sa paraan ng pagsulat na pinalaganap ng mga misyonero at sa paraan ng pagsulat ng mga alagad ng Simbahan at nag-aral ng katon hanggang sa hulíng dekada ng ika-19 siglo. Kung hindi sinunod ang pagbabagong panukala ni Rizal, ang “mahigit” ni Jacinto ay dapat sanang “mahiguit,” ang “araw” at “wala” ay “arao” at “uala” ang “daya” at “ligaya” ay “daia” at “ligaia,” ang “tayo’y” at “ito’y” ay “tayo,i,” at “ito,i,” at ang lahat ng titik K ay C o Q.

Isang magandang pagkakataon ito upang itanghal ang patuloy na daloy ng ninanais na pagbabago mula sa mga Propagandista hanggang sa mga Katipunero. Ang panukalang bagong paraan ng pagsulat ni Rizal ay naging isang mapagpalayang gawain sa pagsulat nina Bonifacio at Jacinto.