Buwan ng Wikang Pambansa 2013

WIKA NATIN ANG DAANG MATUWID

[table id=14 /]

Pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang temang Wika Natin ang Daang Matuwid para sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto, alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997.

Kinapapalooban ng tema sa taóng ito ang kapangyarihan ng wikang Filipino na tumatagos sa iba’t ibang sektor ng lipunan at sa lahat ng uri ng pamumuhay. Nananalig ang KWF na sa kabila ng pagkakaiba-iba ay nagkakaisa tayo dahil sa wikang Filipino–ang tinig ng ating kultura, kasaysayan at pagkatao. Dahil sa ating pagkakabuklod, ito ang isa sa mga kasangkapan tungo sa bisyon ng matuwid na daan ng dangal at kaunlaran.

Hinati din ang pangkalahatang tema sa taóng ito sa sumusunod na diwa ayon sa medium term plan ng KWF:

• ANG WIKA NATIN AY WIKA NG KATARUNGAN AT KAPAYAPAAN
• ANG WIKA NATIN AY LABAN SA KATIWALIAN
• ANG WIKA NATIN AY SANDATA LABAN SA KAHIRAPAN
• ANG WIKA NATIN AY WIKA NG MABILISAN, INKLUSIBO AT SUSTENIDONG KAUNLARAN
• ANG WIKA NATIN AY WIKA SA PANGANGALAGA SA KALIGIRAN

Hinihikayat ang madla na aktibong makilahok sa mga programang inihanda para sa taóng ito. Pinakatampok sa Buwan ng Wika ang Pambansang Kongreso sa Wika na gaganapin sa Agosto 19-21, 2013. Ang kongreso ay inaasahang daluhan ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larang upang talakayin ang mga napapanahong isyung kinakaharap ng wikang Filipino at mga kapatid na wika nito sa bansa. Nagtipon din ng mga programa at proyekto ang KWF para sa pagdiriwang sa taóng ito sa paglulunsad ng opisyal na Pambansang Programa, mula sa iba’t ibang mga pamantasan sa buong Filipinas. Kasama na rin sa hanay ng mga programa ang timpalak sa pagsulat na Gawad KWF sa Sanaysay at ang parangal sa Dangal ng Wikang Filipino na kapuwa taon-taong nagpupugay sa mga indibidwal na nag-ambag para sa pagyabong ng wikang Filipino.

Ang KWF ang natatanging ahensiyang pangwika sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas. Itinatag sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991, inaatasan itong “tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Filipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Filipinas at iba pang wika.”

[table id=12 /]

 

 

  • Buwan ng Wikang Pambansa 2011
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2010
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2009
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2008
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2007
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2006
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2005
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2004
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2003
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2002
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2001
  • Buwan ng Wikang Pambansa 2000