Kasaysayan

Paglingon sa Ugat ng Komisyon sa Wikang Filipino
ni Dir. Hen. Roberto T. Añonuevo

Nauungkat lamang muli ang usapin sa wikang Filipino kapag pinagmasdan ang pinakabagong dalawampung pisong papel na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Nakasaad doon ang “Filipino as the National Language 1935” ngunit itinatanong ng ilan ang katumpakan ng gayong pahayag.

Hindi totoong noong 1935 nilagdaan ang batas at umiral ang Filipino bilang wikang pambansa. Sa bisa ng Saligang Batas ng 1935, ang Kongreso “ay inaatasang magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” (akin ang diin). Ibig sabihin, wala pa noong ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa o magpapalaganap ng mga patakaran hinggil sa pambansang wika. At wala pa ring napipili noong 1935 kung aling katutubong wika ang magiging batayan ng pambansang wika.

Mababatid lamang ang halaga ng pambansang wika kapag isinaalang-alang na ang Espanyol at Ingles noon ay umiiral bilang mga opisyal na wika sa buong kapuluan. Ang siniping probisyon sa Saligang Batas ng 1935 ay ipinaglaban ng mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal na hindi Tagalog. Kabilang sa pangkat sina Felipe R. Jose (Mountain Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo), Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte). Si Romualdez na dating batikang mahistrado ang sumulat ng Batas Komonwelt Blg. 184 na nagtatatag ng Surianng Wikang Pambansa.

Sa mensahe ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea noong 27 Oktubre 1936, sinabi niyang hindi na dapat ipaliwanag pa, na ang mga mamamayang may isang nasyonalidad at isang estado ay “dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.”

Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa “na mag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa “pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bilang ng mga Filipino.” Sa madali’t salita, Tagalog ang napili. At pinili ang Tagalog sa ilalim ng pamumuno ni Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte), at kinabibilangan ng mga kasaping sina Santiago A. Fonacier (Ilokano), Filemon Sotto (Sebwano), Casimiro F. Perfecto (Bikol), Felix S. Salas Rodriguez (Panay), Hadji Butu (Moro), at Cecilio Lopez (Tagalog). Tampok sa pagpili ng Tagalog ang pagkilala rito “na ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, bukod pa ang mga kategorikong pananaw ng mga lokal na pahayagan, publikasyon, at manunulat.” Hindi nakaganap ng tungkulin si Sotto dahil sa kapansanan; samantalang si Butu ay namatay nang di-inaasahan.

Noong 13 Disyembre 1937, sinang-ayunan batay sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na pagtibayin ang Tagalog “bilang batayan ng wikang pambansa ng Filipinas.” Ngunit magkakabisa lamang ang nasabing kautusan pagkaraan ng dalawang taon, at ganap masisilayan noong 1940. Dalawang mahalagang tungkuling naisagawa ng SWP ang pagbubuo at pagpapalathala ng A TagalogEnglish Vocabulary at Balarila ng Wikang Pambansa. Pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Batas Komonwelt Blg. 570 noong 7 Hunyo 1940 na kumikilala sa Pambansang Wikang Filipino [Filipino National Language] bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas pagsapit ng 4 Hulyo 1946. Gayunman, noong 1942 ay inihayag ng Komisyong Tagapagpaganap ng Filipinas [Philippine Executive Commission] ang Ordinansa Militar Blg. 13 na nagtatakda na ang kapuwa Nihonggo at Tagalog ang magiging mga opisyal na wika sa buong kapuluan. Nagwakas ang gayong ordinansa nang lumaya ang Filipinas sa pananakop ng Hapon. At muling ipinalaganap ang paggamit ng Ingles sa mga transaksiyon sa pamahalaan, akademya, at negosyo. At upang matupad ang mithing Pambansang Wikang Filipino, sari-saring seminar ang idinaos noong panahon ng panunungkulan ni Lope K. Santos sa SWP (1941–1946). Halimbawa, iminungkahi ang paglalaan ng pitak o seksiyon para sa wikang pambansa sa mga pahayagang pampaaralan nang masanay magsulat ang mga estudyante. Pinasimulan noong panunungkulan ni Julian Cruz Balmaseda ang Diksiyonaryong Tagalog. Lumikha ng mga talasalitaan sa mga espesyalisadong larang ang termino ni Cirio H. Panganiban, halimbawa sa batas, aritmetika, at heometriya. Isinalin sa wikang Filipino ang pambansang awit nang ilang beses bago naging opisyal noong 1956, at binuo ang Panatang Makabayan noong 1950. Ipinatupad ang Linggo ng Wika, at inilipat ang petsa ng pagdiriwang mulang Marso tungong Agosto. Itinampok ang lingguwistikang pag-aaral sa wikang pambansa at mga katutubong wika sa Filipinas noong panahon ni Cecilio Lopez. Pagsapit sa termino ni Jose Villa Panganiban ay isinagawa ang mga palihan sa korespondensiya opisyal sa wikang pambansa. Nailathala ang English-Tagalog Dictionary; at pagkaraan ay tesawro-diksiyonaryo. Nagpalabas ng kautusan ang kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon noong 13 Agosto 1959, na tawaging “Pilipino” ang “Wikang Pambansa.” Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 “na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.” Sa panahon ni Ponciano B.P. Pineda, ang SWP ay nagbunsod ng mga pananaliksik na may kaugnayan sa sosyo-lingguwistika, bukod sa pagpapalakas ng patakarang bilingguwal sa edukasyon. Naipalathala ang mga panitikan at salin para kapuwa mapalakas ang Pilipino at iba pang katutubong wika.

Noong 1986, pumapel ang SWP sa paghahanda ng salin ng Saligang Batas ng 1986, at sa naturang batas din kinilalang ang pambansang wika ng Filipinas ay “Filipino.” Kung paniniwalaan ang nasabing batas, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.”

Ano ang maaaring ipakahulugan nito? Na ang “Filipino” ay nangangailangan ng isang ahensiyang pangwika na magtataguyod sa naturang simulain. Ang “Filipino” ay hindi na ang “Pambansang Wika” na nakabatay lamang nang malaki sa Tagalog, bagkus idiniin ang pangangailangang payabungin ito sa tulong ng mga panrehiyong wika sa Filipinas, bukod pa ang tinatanggap na mga salita sa ibang internasyonal na wika. At upang “mapayabong” ang pambansang wika ay kinakailangan ang isang institusyong pampananaliksik, na may mandatong higit sa itinatakda ng “pagsusuri” ng mga wika.

Kaya naman sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 na nilagdaan ni Pang. Corazon Aquino nalikha ang Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na sa pumalit sa SWP. Malulusaw pagkaraan ang LWP nang pagtibayin at pairalin ang Saligang Batas ng 1987 dahil iniaatas nito ang pagtatatag ng isang komisyon ng pambansang wika. Naisakatuparan ito nang maipasa ang Batas Republika 7104 noong 14 Agosto 1991, na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Kailangan ang KWF dahil ito ang ahensiyang makapagmumungkahi ng mga hakbang, plano, patakaran, at gawain hinggil sa mga wika, lalo na sa paggamit ng Filipino bilang pambansang wika. Maihahalimbawa ang kasong isinampa ni Inocencio V. Ferrer noong 1965 laban kay Direktor J.V. Panganiban at mga kagawad ng SWP; o kaya’y ang kasong isinakdal ng Madyaas Pro-Hiligaynon Society laban sa SWP upang pigilin itong isakatuparan ang gawaing bumuo ng pasiyang pangwika na labag umano sa Saligang Batas. Nagwagi ang panig ng SWP na kinatigan ng korte, at sinabing may batayang legal ang pag-iral ng nasabing tanggapan, bukod sa kinilalang ang “pagdalisay” at “pagpapayaman” ng katutubong wika [i.e., pagpapakahulugan at talasalitaan] ay kaugnay ng proseso ng “pagtanggap” o “pag-angkin” ng mga salita o impluwensiya mula sa banyagang wika na siyang magpapatunay na ang Filipino ay buháy na wika.

Higit pa rito, inilantad ng nasabing mga usapin ang pangangailangang paghusayin ang paglinang at pagpapaunlad ng wika, sagutin punto por punto ang mga argumento ng gaya ni Geruncio Lacuesta laban sa tinawag niyang “Manila Lingua Franca,” alinsunod sa matalinong paraang nakasandig sa masusing pag-aaral at pananaliksik. Dapat lamang linawin dito na ang pagiging pambansang wika ay hindi lamang nakatuon sa rehiyon ng Katagalugan, kahit pa sabihing ginawang batayan ang Tagalog sa pagbuo ng pambansang wika. Ang Filipino, na patuloy na nilalahukan ng mga salita mula sa iba’t ibang wikang panrehiyon at pandaigdigan, ay sumasailalim sa ebolusyong hindi lamang limitado sa gramatika at palaugnayan kundi maging sa mga pahiwatig at pakahulugan. Ginagamit na ang Filipino hindi lamang sa panitikan o sa Araling Panlipunan, bagkus maging sa pagpapaliwanag ng agham at teknolohiya, inhinyeriya at medisina, batas at matematika, at iba pang larang. Bagaman ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) ay nagpalabas ng bagong kautusan hinggil sa pagsasakatuparan ng Edukasyong Multilingguwal, ang nasabing patakaran ay hindi basta-basta maipatutupad hangga’t hindi nababago ang Saligang Batas. Kinakailangang baguhin muna ang probisyon ng Saligang Batas hinggil sa bilingguwalismo na nagsasaad na tanging Filipino at Ingles ang “mga opisyal na wika sa komunikasyon at pagtuturo,” at ang KWF ay malaki ang tungkulin sa pagpili kung aling hakbang ang makabubuti sa pagsusulong ng anumang panukalang polisiya hinggil sa wika.

Maselang bagay ang pagbabago ng mga polisiya, kaya naman dapat ding maging maingat ang Pangulo kung sino-sino ang itatalaga sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF. Anumang mungkahing patakaran o programang pangwika ang imungkahi ng lupon, at siyang sang-ayunan ng Pangulo alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas, ang iiral at dapat ipatupad sa buong kapuluan.

Ang kasaysayan ng KWF ay kasaysayan din ng pagpupundar ng pambansang wikang Filipino. Tuwing babalikan ang pinag-ugatan ng KWF, matutuklasan ang salimuot ng politika at pakikibaka laban o pabor sa Filipino. Gayunman, napatunayan ng Filipino na kaya itong tanggapin sa iba’t ibang rehiyon at gawing katuwang ng wika ng rehiyon, dahil ang komposisyon ng Filipino ay hindi nalalayo sa naturang wika, kompara sa Ingles na sa kabilang polo nagmumula.

Mga Naging Tagapangulo/Direktor

[catablog_gallery id="484"]

Mga Probisyong Pangwika Saligang Batas

  • Saligang Batas ng Biyak-na-Bato (1896) Ang Wikang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Pilipinas.
  • Saligang Batas ng 1935 Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika. Hanggang hindi nagtatadhana ng iba ang batas, ang Ingles at Kastila ay patuloy ng gagamiting mga wikang opisyal.
  • Saligang Batas ng 1973 Ang Batasang Pambansa ay dapat gumawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at pormal na adopsiyon ng isang panlahat na wikang pambansa na tatawagingFilipino.
  • Artikulo XIV ng Saligang Batas 1987: WIKA

SEK.6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

SEK.7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at hangga’t walang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wika ng rehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing opisyal na pantulong na midyum ng pagtuturo.
Dapat itaguyod nang kusa at opsiyonal ang Kastila at Arabic.

SEK.8. Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic, at Kastila.

SEK.9. Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t-ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili sa Filipino at iba pang mga wika.

EBOLUSYON NG WIKANG PAMBANSA

  • Disyembre 30, 1937 – iprinoklamang ang wikang Tagalog ang magiging batayan ng Wikang Pambansa. Magkakabisa ang proklamasyong ito dalawang taon matapos itong mapagtibay.
  • 1940 – ipinag-utos ang pagtuturo ng Wikang Pambansa sa ikaapat na taon sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan at sa mga pribadong institusyong pasanayang pangguro sa buong bansa.
  • Hunyo 4, 1946 – nagkabisa ang Batas Komonwelt Blg. 570 na pinagtibay ng Pambansang Asambleya noong Hunyo 7, 1940 na nagproklama na ang Wikang Pambansa na tatawaging Wikang Pambansang Pilipino ay isa nang wikang opisyal.
  • 1959 – ibinaba ng Kalihim Jose B. Romero ng Edukasyon ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 nanagsasaad na ang Wikang Pambansa ay tatawaging Pilipino upang mailagan na ang mahabang katawagang “Wikang Pambansang Pilipino” o “Wikang Pambansa Batay sa Tagalog”.
  • 1987 – Filipino na ang ngalan ng wikang pambansa, alinsunod sa Konstitusyon na nagtatadhanang “ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.” Ito ay hindi pinaghalu-halong sangkap mula sa iba’t ibang katutubong wika; bagkus, ito’y may nucleus, ang Pilipino o Tagalog.

EBOLUSYON NG ALPABETONG FILIPINO

  • Nang dumating ang mga Kastila, may sarili nang palatitikan ang ating mga ninuno, ang Alibata o Baybayin, na binubuo ng 14 katinig at 3 patinig. Pinalitan ito ng mga Kastila ng alpabetong Romano.
  • 1940 – binuo ni Lope K. Santos ang Abakada, na may 20 titik: a, b, k, d, e, g, h, i, I, m, n, ng, o, p, r, s, t, u, w, y.
  • Oktubre 4,1971 – pinagtibay ng Sanggunian ng SWP ang pinayamang alpabeto, na binubuo ng 31 letra: a, b, c, ch, d, e, f, g, h, i, j, k, l, ll, m, n, ñ, ng, o, p, q, r, rr, s, t, u, v, w, x, y, z
  • Matapos ang Repormang Ortograpiko, nabuo ang sumusunod na Alpabetong Filipino, na may 28 letra: a, b, c, d, e, f, g, h, i, j, k, I, m, n, ñ, ng, o, p, q, r, s, t, u, v, w, x, y, z
  • 2001 – muling nagkaroon ng rebisyon sa alpabetong Filipino. Itinaguyod nito ang leksikal na pagpapayaman ng Filipino sa pamamagitan ng pagluluwag sa panghihiram ng salita at pagsasalin, karamihan mula sa Ingles at Kastila, gamit ang walong karagdagang letra ng alpabeto, ang mga letrang c, f, j, ñ, q, v, x, z. Oktubre 9, 2006 – sa kahilingan ng KWF, ang DepEd ay nagpalabas ng isang memorandum na pansamantalang nagpapatigil sa implementasyon ng “2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino”.
  • Agosto, 2007 – inilabas ng KWF ang borador ng Ortograpiya ng Wikang Pambansa.
  • Mayo 20, 2008 – inilabas ng KWF ang Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa.